Martes, Agosto 10, 2010

No I.D., No Entry

Madalas nating makita sa paligid ang kahalagahan ng I.D. o identification card. Ano nga ba ang silbi nito? Simple lang, ito ang katibayan na tayo ay parte ng lipunan at mayroong pinanghahawakang identidad. 'Yong tipong 'di ka maaaring magloko dahil ayaw mong mabahiran ng dungis ang pangalan mo. Ayaw mong ma-blotter sa pulisya dahil gusto mong mapanatili ang malinis mong record. Napakahalaga ng I.D. sa ating lipunan. Ito ang nagbibigay ng "sense of belongingness" sa atin. Halimbawa, kung suot ko ang I.D. ng De La Salle University, nararamdaman kong parte ako ng DLSU, na parte ako sa pangangalaga ng pangalan ng unibersidad na kinabibilangan ko. And I.D. rin ang nagpapatunay na mature ka na at kayang kaya ng gampanan ang mga responsibilidad ng isang matanda. Ang pagkakaroon ng drivers license o voters I.D. at iba't iba pang mga I.D., ang sumisimbolo sa paggiging responsable at maaasahang mamamayan ng kinabibilangang bansa, sa pagkakataong ito, sa Pilipinas.
Ano nga ba ang I.D.? Hindi ba't ang kahulugan nito ay IDENTIFICATION CARD? Lahat naman siguro ng tao, mayroon nito. Alam nila kung sino sila at kung ano ang kanilang mga kailangang gampanan bilang mamamayan ng ating bansa o bilang kasapi ng isang komunidad o organisasyon.
Ngunit bakit ganoon? Maraming mga Pilipino ang kinahihiya ang paggiging Pilipino nila? Maraming Pilipino ang patuloy na yumayakap sa banyagang kultura at wika. Makikita ito mula sa ating mga pinuno na ingles ng ingles gayong nasa Pilipinas naman sila. Makikita itong ganitong kaugalian saang mang sulok ng Pilipinas, partikular na sa Metro Manila, kung saan naghalu-halo na lahat ng kultura. Makikita ito sa mga iba't ibang unebersidad na mas hinihikayat ang pagsasalita ng ingles. Makikita rin ito sa mga sikat na personalidad na ingles ng ingles kahit hindi naman kinakailangan.
Para sa akin, ang pinakamahalaga sa isang relasyon ay ang pagkakainitindihan. Ang uri ng komunikasyon ay hindi masyadong mahalaga, ang mahalaga ay nagkakaunawaan kayo sa mga nais niyo iparating at sabihin sa taong mahal niyo. Hindi nagtatagal at umuusad ang pagsasama ng dalawang nagmamahalan kung mismong sa kanilang dalawa, hindi sila magkaintindihan. Ganito rin sa relasyon ng Pamahalaan at ng sambayanang Pilipino. Kung hindi maunawaan ng nakararami ang kanilang mga pinuno, napakalabo yata na sumunod sila rito. Ganoon din para sa mga pinuno, kung hindi nila nauunawaan at naiinitindihan ang saloobin at ang mga sinasabi ng kanilang mga nasasakupan, malabo rin na matugunan nila ang kanilang kailangang gampanan.
Simple lang ang nais ko iparating, huwag papasukin ang mga banyaga sa ating pamahalaan. Tama na ang pagsandal sa iba. Dapat lahat ng nasa kinauukulan, Pinoy at ipinagmamalaking Pinoy siya. 'Yong tipong kauusapin ang mga Pilipino sa wikang Pilipino. Tama na ang pag-iingles. Tama na ang pagpapahalaga sa banyagang kultura at wika. Mahalin natin ang sariling atin at patunayan nating mga Pilipino na kaya nating umasenso gamit ang sariling Wika natin.
Tignan na lamang natin ang mga karatig bayan natin. Bakit sila, kaya nila? Tayo ba, hindi natin kaya?
Kung gusto, may paraan. Kung ayaw, napakaraming dahilan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento