Linggo, Agosto 15, 2010

naparihak

Tumatak sa aking isipan ang sinabi ng propesor ko sa kursong Introduction to Global Studies o INTGLOS. "Poverty is the mere absence of choice." So, ano ba talaga ang ibig niyang sabihin doon?
Sa aking pananaw, base sa aking natutunan, ang poverty o kahirapan ay hindi lamang nakikita sa mga mamamayang isang kahig, isang tuka o 'yong mga taong salat na salat sa pera. Hindi lamang dahil wala kang pera ay matatawag ka ng mahirap. Mahirap ba 'yong taong kahit walang pera ay punong puno naman ng pagmamahal para sa pamilya? Mahirap bang matatawag 'yong mga taong kahit ipinagkait na sa kanila ang lahat ng mga materyal na bagay ay nananatili pa ring nakangiti at masaya? Siguro nga maraming pagsubok sa buhay ng isang tao ngunit nasasakanya kung paano niya dadalhin ito. Kung titignan nating mabuti, mas mahirap ang mga mayayamang wala namang kasalo sa hapag-kainan, o kaya 'yong mga mayayamang wala ng mga kaibigan at kapamilya dahil mas pinagtuunan nila ng pansin ang kanilang karir.
Sabi, mahirap ka kung wala kang choice o wala kang mapagpilian. 'yong mga mahihirap, literal, wala silang choice kun'di mabuhay sa ganoong paraan. Ngunit kung ating iisipin, kahit naman ang mga may kaya at mayayaman ay minsan nakararanas nito. Hirap sa pagpili ng masusuot, hirap sa pagpili ng makakakain, hirap sa pagpili ng kung anu-ano pang mga kagamitan at mga materyal na bagay. Masakit din sa ulo, hindi ba, ang napakaraming pagpipilian? Napakarami mo ngang mapagpipilian, wala ka namang mapili dahil lahat maganda, lahat gusto mo.
Napakasaklap at napakapait ng realidad. 'Yong iba, walang mapili dahil wala namang mapagpipilian samantalang 'yong iba, napakaraming pagpipilian, wala rin naman mapili.
Tignan natin ang kahirapan sa ibang pananaw. Ibahin natin ang ating tingin sa kahirapan. Isipin natin 'yong nararanasan ng ibang tao at kung magkaganoon, matutunan dapat natin magpasalamat kung sa ano ang mayroon tayo.
Ang buhay ay hindi lamang tungkol sa kung ano ang mayroon tayo, ito ay tungkol sa kung ano ang ginagawa natin sa kung ano ang mayroon tayo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento