Linggo, Agosto 15, 2010

Plastik

Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang CORRUPT? Kung ating isasalin 'to sa tagalog, mangangahulugan itong TIWALI. So, ibig sabihin, pag corrupt ka, tiwali ka. At pag tiwali ka, corrupt ka.
So bakit laging binabatikos ang gobyerno o pamahalan o kung sino pa man ang mga nanunugkulan gayong lahat naman ng tao'y tiwali sa kanikanilang mga paraan. Bakit napakaraming batikos nang batikos sa pamahalaan gayong sila rin nama'y hindi malinis? Ang simpleng pangongopya ng asignatura ay isang paraan din ng paggiging tiwali. Ang simpleng pagnanasa sa iba, bukod sa 'yong minamahal, ay paggiging tiwali na. Lahat naman ng tao, tiwali, hindi nga lang tinatanggap.
Wika nga ni Bob Marley, "Who are you to judge the life I live? I know I'm not perfect and I don't live to be. But, before you start pointing fingers, make sure your hands are clean."
Bago natin husgahan ang ibang tao, tignan muna natin ang sarili natin. Bago natin batikusin ang pamahalaan at lahat ng mga nanunugkulan sa atin, isipin muna natin kung ano na nga ba o kung may nagawa na ba tayo para sa ikabubuti ng ating bayan. Sumusunod ba tayo sa batas? Nagbabayad ba tayo ng buwis? Hindi ba tayo lumalabag sa kahit anong batas trapiko? Ginagawa ba natin ang responsibilidad natin bilang isang mamamayan ng bansang ito? Alam na ba natin ang mga karapatan at obligasyon natin bilang Pilipino? Kung sa tingin mo perpekto ka, sige, duruin mo na ang pamahalaan. Ngunit kung may isa jan sa mga nabanggit ang tinamaan ka, mag isip ka muna. Tignan mo muna ang sarili mo. Ayusin mo muna ang sarili mo bago mo ayusin ang bayan mo.
Tama na ang bangayan, tama na ang batikusan. Tama na ang siraan, tama na ang kaplastikan. Panahon na para magkaisa, panahon na para bumangon.

text2

Ngayong panahon ng pag-usbong ng teknolohiya, napakaraming bagay na ang nagbago sa ating lipunan. Binansagan na ang Pilipinas bilang Texting Capital of the World. Ibig sabihin, mga Pinoy ang sobra kung gumamit ng teknolohiyang hatid ng mga selepono.
Noong hindi pa uso ang mga selepono, mas punctual ang mga tao. Makikipagkita sila sa taong kausap nila. May sinusunod na oras ang mga tao ayon sa mga napagkasunduan nila. Kunwari, makikipagdate ka sa kasintahan mo. Pupuntahan mo sila sa kanila at ipagpapaalam sa magulang. Kung may gimik ang barkada, paguusapan nila at pagpaplanuhan ito. Malamang sa hindi, lahat sila susunod dito. Kung hindi man makapunta, may magandang dahilan naman.
Ngunit sa panahon natin ngayon, hindi mo na malaman kung kailan talaga kayo magkikita. Sasabihin sa'yo, "text-text na lang." O kaya kapag may kailangang tapusing group project, "text-text na lang kung paano gagawin."
Minsan, gusto ko pa atang walang selepono. Dahil hindi masakit sa ulo kapag hindi ka sinipot ng kausap mo. O kaya hindi na sasakit ang ulo ko dahil sa isang taong napakalabo kausap. "Text text na lang." Para sa akin, 'yang salitang yan ay isang sumpa. Sumpang hindi mo na alam kung ano ba talaga ang ibig sabihin. "Text text na lang." Hindi ka sigurado, hindi ka makakapaghanda. Hindi mo alam kung kailan darating o saan magkikita. Basta, text text na lang.

naparihak

Tumatak sa aking isipan ang sinabi ng propesor ko sa kursong Introduction to Global Studies o INTGLOS. "Poverty is the mere absence of choice." So, ano ba talaga ang ibig niyang sabihin doon?
Sa aking pananaw, base sa aking natutunan, ang poverty o kahirapan ay hindi lamang nakikita sa mga mamamayang isang kahig, isang tuka o 'yong mga taong salat na salat sa pera. Hindi lamang dahil wala kang pera ay matatawag ka ng mahirap. Mahirap ba 'yong taong kahit walang pera ay punong puno naman ng pagmamahal para sa pamilya? Mahirap bang matatawag 'yong mga taong kahit ipinagkait na sa kanila ang lahat ng mga materyal na bagay ay nananatili pa ring nakangiti at masaya? Siguro nga maraming pagsubok sa buhay ng isang tao ngunit nasasakanya kung paano niya dadalhin ito. Kung titignan nating mabuti, mas mahirap ang mga mayayamang wala namang kasalo sa hapag-kainan, o kaya 'yong mga mayayamang wala ng mga kaibigan at kapamilya dahil mas pinagtuunan nila ng pansin ang kanilang karir.
Sabi, mahirap ka kung wala kang choice o wala kang mapagpilian. 'yong mga mahihirap, literal, wala silang choice kun'di mabuhay sa ganoong paraan. Ngunit kung ating iisipin, kahit naman ang mga may kaya at mayayaman ay minsan nakararanas nito. Hirap sa pagpili ng masusuot, hirap sa pagpili ng makakakain, hirap sa pagpili ng kung anu-ano pang mga kagamitan at mga materyal na bagay. Masakit din sa ulo, hindi ba, ang napakaraming pagpipilian? Napakarami mo ngang mapagpipilian, wala ka namang mapili dahil lahat maganda, lahat gusto mo.
Napakasaklap at napakapait ng realidad. 'Yong iba, walang mapili dahil wala namang mapagpipilian samantalang 'yong iba, napakaraming pagpipilian, wala rin naman mapili.
Tignan natin ang kahirapan sa ibang pananaw. Ibahin natin ang ating tingin sa kahirapan. Isipin natin 'yong nararanasan ng ibang tao at kung magkaganoon, matutunan dapat natin magpasalamat kung sa ano ang mayroon tayo.
Ang buhay ay hindi lamang tungkol sa kung ano ang mayroon tayo, ito ay tungkol sa kung ano ang ginagawa natin sa kung ano ang mayroon tayo.

Sabado, Agosto 14, 2010

Hanggang ganito na lang ba?

Hanggang ganito na lang ba tayo?
Patuloy na nagbabangayan at nagtatalo?
Lagi natin sinisisi ang iba,
Ngunit sarili naman nati'y 'di natin nakikita.

Bakit kailangangan magngawa nang magngawa,
Gayong 'di naman talaga sila ang may problema.
Ilang taon na tayong ganito.
Wala pa ring pagbabago.

Hindi kaya't pagiisip natin ang may sira?
Dahil puro kamalian lamang nila ang nakikita.
Bakit hindi tayo magumpisa sa ating sarili.
Linisin muna natin ang ating sariling budhi.

Tama na ang paninira sa kanila.
Panahon na upang tayong lahat ay magkaisa.
Bigyan ng positibong pananaw,
Ang bagong liwanag ng sinag ng araw.

Huwag tayong mawawalan ng pag-asa,
Pagkat hawak natin ang ating mga umaga.
Wala sa kanila, wala sa iba.
Nasa sarili nating mga palad ang ginhawa.

Bilang pangwakas sa maikli kung tula,
Nais ko lang sabihin na bakit 'di natin subukan.
Subukang makisangot at makisama,
Para naman tayong lahat ay matahimik na.


Martes, Agosto 10, 2010

No I.D., No Entry

Madalas nating makita sa paligid ang kahalagahan ng I.D. o identification card. Ano nga ba ang silbi nito? Simple lang, ito ang katibayan na tayo ay parte ng lipunan at mayroong pinanghahawakang identidad. 'Yong tipong 'di ka maaaring magloko dahil ayaw mong mabahiran ng dungis ang pangalan mo. Ayaw mong ma-blotter sa pulisya dahil gusto mong mapanatili ang malinis mong record. Napakahalaga ng I.D. sa ating lipunan. Ito ang nagbibigay ng "sense of belongingness" sa atin. Halimbawa, kung suot ko ang I.D. ng De La Salle University, nararamdaman kong parte ako ng DLSU, na parte ako sa pangangalaga ng pangalan ng unibersidad na kinabibilangan ko. And I.D. rin ang nagpapatunay na mature ka na at kayang kaya ng gampanan ang mga responsibilidad ng isang matanda. Ang pagkakaroon ng drivers license o voters I.D. at iba't iba pang mga I.D., ang sumisimbolo sa paggiging responsable at maaasahang mamamayan ng kinabibilangang bansa, sa pagkakataong ito, sa Pilipinas.
Ano nga ba ang I.D.? Hindi ba't ang kahulugan nito ay IDENTIFICATION CARD? Lahat naman siguro ng tao, mayroon nito. Alam nila kung sino sila at kung ano ang kanilang mga kailangang gampanan bilang mamamayan ng ating bansa o bilang kasapi ng isang komunidad o organisasyon.
Ngunit bakit ganoon? Maraming mga Pilipino ang kinahihiya ang paggiging Pilipino nila? Maraming Pilipino ang patuloy na yumayakap sa banyagang kultura at wika. Makikita ito mula sa ating mga pinuno na ingles ng ingles gayong nasa Pilipinas naman sila. Makikita itong ganitong kaugalian saang mang sulok ng Pilipinas, partikular na sa Metro Manila, kung saan naghalu-halo na lahat ng kultura. Makikita ito sa mga iba't ibang unebersidad na mas hinihikayat ang pagsasalita ng ingles. Makikita rin ito sa mga sikat na personalidad na ingles ng ingles kahit hindi naman kinakailangan.
Para sa akin, ang pinakamahalaga sa isang relasyon ay ang pagkakainitindihan. Ang uri ng komunikasyon ay hindi masyadong mahalaga, ang mahalaga ay nagkakaunawaan kayo sa mga nais niyo iparating at sabihin sa taong mahal niyo. Hindi nagtatagal at umuusad ang pagsasama ng dalawang nagmamahalan kung mismong sa kanilang dalawa, hindi sila magkaintindihan. Ganito rin sa relasyon ng Pamahalaan at ng sambayanang Pilipino. Kung hindi maunawaan ng nakararami ang kanilang mga pinuno, napakalabo yata na sumunod sila rito. Ganoon din para sa mga pinuno, kung hindi nila nauunawaan at naiinitindihan ang saloobin at ang mga sinasabi ng kanilang mga nasasakupan, malabo rin na matugunan nila ang kanilang kailangang gampanan.
Simple lang ang nais ko iparating, huwag papasukin ang mga banyaga sa ating pamahalaan. Tama na ang pagsandal sa iba. Dapat lahat ng nasa kinauukulan, Pinoy at ipinagmamalaking Pinoy siya. 'Yong tipong kauusapin ang mga Pilipino sa wikang Pilipino. Tama na ang pag-iingles. Tama na ang pagpapahalaga sa banyagang kultura at wika. Mahalin natin ang sariling atin at patunayan nating mga Pilipino na kaya nating umasenso gamit ang sariling Wika natin.
Tignan na lamang natin ang mga karatig bayan natin. Bakit sila, kaya nila? Tayo ba, hindi natin kaya?
Kung gusto, may paraan. Kung ayaw, napakaraming dahilan.